Just another WordPress.com weblog

Latest

MAGNANAKAW NA NGA BA TAYONG MGA PINOY?

Kahapon habang nasa Puregold pinilit kong ipasok ang bag ko na may laman na laptop sa loob ng grocery.

GUARD: Bawal po ang bag sa loob.

AKO: May laptop ito.

GUARD: Bawal po talaga. Iwan nyo na lang po sa may Customer Service.

AKO: Ah okay.

Pagbigyan… siguro talaga lang bawal. Wala kasi akong tiwala sa Baggage Counter. May kakilala kami na nag-iwan ng laptop sa SM, nabagsak ang laptop pero hindi binayaran.

Katwiran ng SM: hindi naman daw dapat nagdadala ng ganung klaseng kagamitan sa loob ng Mall. Watdapak! Eh, para saan pa yung free Wifi nila??? Mga tarantado talaga yang pamunuan ng SM!!!

Dahil ayaw ko ng mahabang pagtatalo – sige na nga, ilagay na lang yung hindi ko ipinagmamayabang na The North Face bag na may laman na laptop na nasa loob ng Halo laptop sleeve sa kanilang Customer Service Center Booth ala Baggage Counter. Sinabihan ko na lang ang Customer Service Assistant na ilagay na lang sa lapag para hindi bumagsak.

Okay na. Wala naman problema sakin kung sakaling iwan ko ang mahahalagang gamit ko sa kanila dahil sa pagsunod sa regulasyon ng shopping center, mall, supermarket, o kung anumang establisimentong may kanya-kanyang regulasyon. Para daw sa kaligtasan at kapakanan ng mamimili.

Eto lang ang problema ko:

Bakit pagpasok ko sa pinaka-supermarket mismo, meron dalawang banyaga na naglalakihan ang mga bag na malayang bumili ng mga produkto pero hindi sinisita ng kahit sino sa kanila??? Iniisip ko tuloy, sa suot kong TVJ t-shirt tsaka orig na Ferrari cap, isama mo pa yung The North Face na backpack, mukhang ba akong terorista na pwedeng paghinalaan na may bitbit na improvised explosive devise na nakasingit sa kasuluk-sulukan ng bag ko??? Mukhang ba akong shoplifter na pwedeng magnenok ng maliliit na bagay at isilid sa bag ko ng walang makakapansin??? Ganun na ba kababa ang tingin ng Pilipino sa kanilang kapwa??? Maski ang mga resibo sa Puregold ini-inspeksyon pa ng mga guard para siguraduhin na yung mga nasa resibo mo ang nakalagay sa plastic na bitbit mo!

Nakaka insulto pero wala akong magagawa. Sa kabila ng maraming taxi driver na nagsasauli ng mga naiwang gamit at pera sa taxi nila, at mga hindi kilalang samaritano na nagpapakita ng angking kagandahang loob sa ibang tao, wala na ba talagang disiplina ang mga pinoy???

Malapit na ako sa entrance ng SM Mall… problema na naman itong lobo na dala ko na ipapaiwan sigurado ng guard sa entrance dahil bawal sa loob kahit na sa kabilang entrance ko balak lumabas… hayyyy…

Patutunguhan

Hawak hawak ang dalawang piraso ng Nestle Safari na binili ko sa 7/11, nagsimula kong lakarin ang kahabaan ng McArthur Hiway simula Balibago hanggang Dau. Alas dyes ng gabi. Walang gaanong kahulugan, bagkus ay isa lamang napag diskitahang gawin pagkatapos kumain ng arrozcaldo sa paboritong kong kainan/karinderya sa may kanto ng Mt. View. Mayroon akong hinahanap habang ginagalugad ang kahabaan ng kalsadang nag uugnay halos kalahati ng Luzon, simula sa bantayog ni Andres Bonifacio sa Kalookan, hanggang marahil sa Aparri ang pinaka dulo nito.

Apat na kilometrong lakaran sa isang lugar na hindi ko kinalakihan ngunit pilit na pinakikisamahan upang mabuhay ng mapayapa at matahimik. Ganito na yata ang kapalaran ko. Isang mahabang paglalakbay. Isang walang katapusang paglalakad, tungo sa kinabukasang wala pa ring malinaw na patutunguhan. Sa gabing yaon, siguradong alam ko ang aking pupuntahan, ngunit sa realidad ng buhay, ito’y maihahantulad sa isang madilim na kanto na walang kasiguruhan kung magkakaroon ng liwanag ang nagsisilbi nitong ilaw sa posteng nakatayo sa paligid.

Naalala ko tuloy yung naging paksa noong ako’y nakisali sa isang pagtitipon ng aking mga bagong nakilalang kaibigan…

“Ang pinakamadilim na oras sa magdamag ay yung kapag malapit ng magbukang liwayway”, ika niya…

Marahil ito’y isang aral na matutunan na magpapatungkol sa magiging kapalaran ng aking paglalakbay.

Marahil sa madilim na lugar na aking tatahakin, isang maliwanag na patutunguhan ang kahahantungan.

Teka lang, eto na pala ang pila ng traysikel… sasakay na ko pauwi…

Reunion

bumabalik ang alaala ng nakaraan
nung panahon na karamihan satin ay mangmang
ang mga araw na halos hindi mapantayan
mga pagtitipon na hatid ay kaligayahan

sa mga karanasang nagpa-alala ng lahat
mula sa pagkabata hanggang magka-edad
di mapigil maluha sa sobrang galak
sa mga pinagsamahang walang ibang katapat

nangingiti lagi pag naaalala ang mga laro
ang mga pagkakataon na inabot ng hapo
ang madilim na ulap na minsang sinuyo
nagdasal ng taimtim para ulan ay lumayo

ang samahan ng lima sa paglipas nadagdagan pa
magpipinsan sa dugo sa laro ay nagkaisa
mga problema sa paligid ay hindi inalintana
basta’t magkakasama at parating masaya

ngunit kadalasan ang panahon ay malupit
pinaghiwalay ng tadhana ang magkakasanggang-dikit
ang larong masaya ngayon ay kay pait
sa desisyon ng iba na lumayo nang pilit

umaasa madalas sa sulat at pangungumusta
mga kwento, larawan, at hatid na balita
sa munting pasabi ibinabalik ang ligaya
lungkot ay nawawala, pinapalitan ng tuwa

kung maaari lang sanang ibalik ang nakaraan
sa mga panahong sagana sa laruan
sa masasayang araw kahit na tag-ulan
sa mga oras na nagsalo sa hapag-kainan

nangangarap akong lahat tayo’y magkikita pa
ibabalik ang panahon ng matatamis na alaala
ang pagiging malapit bubuuin muli ng isa’t isa
sa gitna ng pagkain, pulutan at serbesa

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.